about us   archives    e-mail us   subscription








Oktubre
Sabado


PEOPLE PLEASER
Sinisikap ko bang magbigay lugod sa tao? - Galacia 1:10

Mahirap maging people pleaser, taong ayaw makasakit ng damdamin ninuman, taong oo ng oo at hindi marunong tumanggi. Walang people pleaser sa mga santo. Matibay ang pananalig sa Diyos. Kaya pinatay ang mga martir, ayaw sumunod sa may kapangyarihan, ayaw sumunod sa ibang diyos. Kahit maraming humahanga kay Mother Theresa, marami siyang pinatamaan sa mga pangaral niya! Ganoon din ang ating mahal na Papa Juan Paolo II, kung people pleaser siya baka gumuho na ang Simbahang Katoliko!

Tinagurian si Hesukristong mapang-insultong maestro. Hindi Siya natakot sabihing ipokrito ang mga Pariseo na ikinagalit nila. Ano kaya ang mangyayari kung baw na lang ng baw si Kristo sa maykapangyarihan? Kung papalitan Niya ang Kanyang sermon kung iba ang Kanyang audience?

Kung iisipin, isa lang ang bersyon ng katotohanan. Kahit sino pa ang kausap, kung katotohanan ang lagi mong sinasabi, hindi na kailangan pang magpabago-bago ng bersyon. 'Yan ang dapat tandaan ng mga people pleaser. Kapag nasa panig ka ng katotohanan, nasa panig ka ng Diyos. Nimia G.


1 Basa:Galacia 1:6-12
Salmo 111:1-2, 7-10
Ebang:Lucas 10:25-37


PAGNINILAY:
Pakinggan mo ang sarili mo kapag pinipintasan ka. Agad-agad ka bang humihingi ng paumanhin at nagbabago ng sinasabi para lang manumbalik ang good image mo.


Panginoon, lagi Mo kaming paalalahanan na Ikaw ay mas mahalaga kaysa sinumang tao sa mundong ito; Ikaw ang masusunod, hindi sila.


Sta. Publia,
balo,
ipanalangin mo
kami.